Masasakal ka na
Ilang taon na ba tayong magkakilala? Labing-anim? Labing-pito?
Simula yata nang nagkaroon ako ng muwang sa mundo, magkakilala na tayo.
Isa ka sa mga pinakamadalas kong makalaro noong bata pa ako. Naalala ko nga, nung panahong uso ang Little Miss Philippines, ayaw kong pumayag na isali ako dun ng nanay ko hangga’t hindi ikaw ang escort ko. Biruin mo yun, mas pinili kita kesa dun sa all-time-crush kong di hamak na mas gwapo sa iyo. Bakit? Ewan. Siguro ay dahil sa iyo ako nun mas komportable. Buti na lang at hindi kailanman natuloy ang pagsali ko dun. Baka ikinakahiya ko na ang pagiging bata ko.
Mas kapatid pa yata ang turing ko sa iyo noon kaysa dun sa totoo kong kapatid. Madalas pa nga ako nun sa bahay niyo e, naalala mo pa? Ako yung kalaro mo lagi ng NBA sa playstation mo, kahit na wala akong kilala sa mga players nun bukod kay MJ at Kobe. Ako yung lagi mong kaagaw kay Doggie, yung laruan mong aso na masarap yakapin. Ako yung prinsesa ng remote control ng TV sa bahay ninyo, hindi kasi ako makasingit sa panunuod ng TV sa bahay namin e. Ako yung laging tagabantay ng base natin, yung tanim niyo dating puno ng mangga, kapag nag-aagawang base tayo. Ako yung binabatukan mo dahil ang bobo kong magsulat, maski kasi pangalan ko, di ko mabaybay nang tama.
Kung sakaling naging tibo ako, ikaw ang may kasalanan. Masyadong malaki ang impluwensya mo sa akin noon e Ikas yung isa sa mga sumisira ng mga manika ko, wala kasi itong kwentang laruin sabi mo. Ikaw yung nagturo sa akin na sapakin ko sa bayag ang kahit na sinong lalaking makakaaway ko, sabi mo kasi masakit yun. Ikaw yung nagsabi sa akin na kung matututo man ako ng ball game, dapat basketball ang pag-aralan ko at huwag volleyball. Ikaw yung humihila sa akin para makipaglaro ng takbuhan sa iba pang mga lalaki sa komunidad, sabi mo pa nga, para sa malalamya lamang ang bahay-bahayan at lutu-lutuan. Ikaw yung nagsabi sa akin na mas bagay sakin ang rubber shoes kaysa heels. Sa ngayon, walang natira sa mga manika ko; at wala pa naman akong nakakaaway na lalaki; at wala akong inaral na ball game dahil takot ako sa bola; at wala akong interes sa gawaing bahay, lalo na sa pagluluto; at rubber shoes pa rin ang paborito ko ng footwear. Pero hindi naman ako naging tibo. Kaya wala kang kasalanan.
Tanong ko lang, normal ba sa isang lalaki at isang babae na sabay lumaki ang magkailangan kapag naging mga bagong-tao na sila? Simula nung tinuli ka (na ayon sa sabi-sabi ay siyang tanda ng iyong pagiging binata) di mo na ako kinausap. Huminto ka na rin nun sa pakikipaglaro sa akin. At tila naging estranghero tayo sa isa’t isa.
Kung isang shoujo manga siguro ang istorya natin, baka nagkabungguan tayo sa eskwelahan pagkatapos ng mahabang panahong hindi pag-uusap. Tapos mabibitawan ko yung mga librong hawak ko dahil sa lakas ng pagkakabunggo mo sa akin. Tapos tutulungan mo akong pulutin ang mga libron nabitiwan ko. Tapos magkakatinginan tayo nang mata sa mata, maaalala yung pinagsaluhan nating kabataan, magkukumustahan, mag-uusap uli. Tapos ihahatid mo ako sa aking klase. Tapos sa uwian ay hihintayin mo ako sa labas ng gate ng eskwelahan para sabayang umuwi, tutal ay magkalapit lang tayo ng uuwian. Tapos... tapos... kunwari magiging tayo, till death do us part. Ganun kakorni ang buhay natin kung tayo ang mga karakter sa isang shoujo manga. Buti na lang hindi.
Hindi kailanman tayo nagkaparehas ng eskwelahang pinapasukan. At hindi rin naging parehas ang tinahak nating landas.
Sa eskwela, ako yung maraming kaibigan. Matalino daw kasi ako, sabi ng mga kaklase ko, at madali pang kopyahan. Hindi mo ako makikitang nawawalan ng kasama pag nasa eskwelahan ako. Pero pag-uwi ko sa atin, halos wala akong kakilala, bukod sa inyong mga natira. Halos hindi na ako nangangapit-bahay, paano’y halos wala namang babae sa atin na kasabayan kong lumaki. Puro kayo mga lalaki e. Pag dumikit pa rin ako sa inyo hanggang ngayon, ako na ang malandi.
Ikaw naman, kilalang bulakbol sa eskwela. Walang eskwelahang nagtagal sa iyo. Hindi pa natatapos ang isang sem, drop-out ka na. Hanggang sa sumuko na lang ang mga magulang mo’t pinatigil ka na sa pag-aaral. Hindi para sa iyo ang pag-aaral, sabi ng mga kapitbahay natin. Wag ka sanang magalit, sinasabi ko lang yung totoo. Naging tagabantay ka ng maliit na negosyo ng ama mo tuwing umaga. At sa hapon, suma-side line ka naman bilang sigang bastos sa may tindahan sa tapat namin. Sa gabi naman, patibayan kayo ng sikmura’t baga ng ama mo sa pag-inom at paghithit ng sigarilyo.
Tangna. Hindi ko alam kung bakit nagkaganyan ka. Sa buong komunidad ata natin, ikaw ang pinaka-spoiled na bata. Nung gusto mong magka-gitara, balita ko’y yung pinakamahal daw yung binili sa iyo. At kahit na wala kang banda, kumpleto ka ng gamit pangbanda, kulang na lang patayuan ka ng sarili mong studio. Tatlong beses ka ring nagbili ng motorsiklo, sinasadya mo kasing sirain yung luma para magkaroon ka ng bago. Minsan nga naiisip ko, sana magulang ko na lang ang mga magulang mo, kaya kasi nilang ibigay agad-agad ang mga gusto mo e, di tulad ng mama’t papa ko na kailangan pang maghugas ng pwet ng iba para lang mapakain kami nang tama. Pero ikaw pa yung napariwara.
Bigla na lang isang araw, nag-uwi ka ng babae sa bahay niyo. Babaeng may kasamang bata. Na-tsismis tuloy sa halos buong baranggay na anak mo yung kasamang bata. Pero sabi mo, sabi ng ina mo, sabi ng ama mo, at sabi ng babaeng inuwi mo, kapatid lang yun nung babae. (Wala ba silang magulang na nag-aalala dun sa bata? Bakit kailangang pati kapatid ng girlfriend mo ay iuwi mo pa?) Simula nun ay naglie-low ka sa pagiging siga.
At ngayon, ikakasal ka na dun sa babaeng inuwi mo. Best wishes, pare. Hindi man ako makakapunta sa handaan (tinatamad talaga ako), hangad ko na sana patuloy na maging maganda ang impluwensya sa iyo ng babaeng magiging habambuhay mong kabiyak. Sana, hindi lang ang pagiging siga mo ang mapa-lie low niya. Sana, maging mas responsable ka na sa buhay lalo pa’t ilang buwan na lang ay magiging tatay ka na. Sana, itigil mo na ang buwis-buhay mong mga bisyo, tulad ng drag racing, alang-ala sa magiging mag-ina mo. Sana, bigyan mo rin ng makulay na kabataan ang magiging anak mo, tulad ng pagbibigay-kulay mo sa kabataan ko.
Best wishes, pare.
fiction ba 'to, pare? hehehe.. swerte nung pinatutungkulan kung sakali..
TumugonBurahinTotoo po yan. Hehehe.
TumugonBurahin