Mga Pahina

Huwebes, Oktubre 6, 2011

Ang Mga Sirena sa Tigang na Lupa (Unang Bahagi)

Alas dos y media ng hapon. Hinihintay na ng mga bata ang kani-kanilang mga sundo. Inip na inip na ang magkakaibigang sina Liway, Maricris, Dian, at Betchay. Wala pa kasi ang service nila. Silang apat ay magkakaibigan na bago pa man sila nagsimulang mag-aral. At kahit na ngayong nag-aaral na sila, hindi sila basta-bastang napaghihiwalay ng kahit na sino.

Dala siguro ng kainipan, may ideyang pumasok sa maliit na utak ni Liway.

"Ngayon, lilibutin natin ang mundo!" buong tapang na tinuran ni Liway sa mga kaibigan. Iniwan pansamantala ng mga bata ang kanilang mga bag sa gym ng paaralan, at nagmartsa sila nang nakapila palabas ng paaralan. Mistula sila mga duwendeng ilang saglit lang ay makakahanap ng sarili nilang Snow White.

Pero hindi isang Snow White ang nahanap nila ng hapong iyon.

Nakaka-halos limampung metro pa lamang ang nalakad nila palabas ng paaralan, patakbong inunahan ni Dian ang kanyang mga kaibigan.

"Tingnan niyo! Isang paraiso!" natutuwang sigaw ni Dian sa tatlo. Itinuro niya sa kanila ang buong lugar. Nasa tuktok sila ng isang mababaw na bangin, tinatanaw ang tigang na kalupaan sa ibaba nito.

"Tara, baba tayo, bilis!" sabik na sambit ni Betchay.

"Teka, teka," pigil ni Maricris sa kaibigan. "Baka mapahamak tayo. Tawag kaya muna tayo ng iba pang makakasama."

"Maricris, kung magtatawag tayo ng iba, e di hindi na natin ito magiging paraiso," sabi naman ni Liway.

"Tama! Tayo ang naka-diskubre ng lugar na ito kaya dapat tayo lang ang nandito," pagsang-ayon naman ni Dian kay Liway.

"Tara, tara! Bilisan na natin! Baba tayo dun!" sabik na sabik na sabi ni Betchay.

"Easy ka lang, Tchay. Ako muna ang bababa. Kapag safe, sunod na lang kayo." Maingat na bumaba si Liway sa mababaw na bangin. Nang malapit nang makababa si Liway ay sumunod na si Betchay. Sunod si Dian.

"Maricris! Baba ka na rin!" sigaw ng tatlo sa naiwang kaibigan nang nakababa na sila.

"Tatawag muna ako ng kasama!"

"Wag na nga! Ang kulit!"

"Pero pano tayo makakabalik?"

"Makakabalik tayo," paniniguro ni Liway.

"Talaga?"

"Oo. Kaya bumaba ka na."

Sumunod na bumaba si Maricris sa kanyang mga kaibigan. Dahan-dahan niyang binagtas ang parehong dinaanan ng tatlo.

Nang makumpleto silang apat, makakahawak-kamay silang naglakad palayo sa mababaw na bangin. Magkakahawak-kamay nilang nilapitan ang tigang na kalupaan na nadiskubre nila.

Unang bumitaw si Liway. Tumakbo-takbo siya, nagpaikot-ikot, at nakipagsayaw sa ihip ng hangin. "I'm the king of the world!" sigaw niya.

"Hindi ba dapat 'queen'"? pagtatama ni Betchay.

"Basta alam mo na yun."

"Tingnan niyo o!" biglang sigaw ni Dian na pagbungkal sa lupa ang unang inatupag pagkabitaw niya. Napalingon agad ang tatlo sa direksyon niya.

"Yuck! Dian! Hinawakan mo yung lupa?" saway ni Liway sa kaibigan.

"Hindi, tingnan niyo 'tong nakita ko."

Nialapitan ng tatlo si Dian. Sa kamay ng huli, nakapandag ang isang mal"iit, puting bagay na nadumihan ng lupa. Pinagpag ni Dian ang lupa sa bagay na iyon para mas makita ng kanyang mga kaibigan.

"Shell!" sambit ni Maricris.

"Shell? Talaga? Patingin! Patingin!" inagaw ni Liway mula kay Dian ang kabibi.

"Ako din, patingin!" sabik na paglapit ni Betchay kay Liway.

"Bakit kaya may shell dito?" pagtataka ni Dian.

"Alam ko kung bakit," deklara ni Liway sa mga kaibigan. "Hindi niyo ba naaalala? Dati isa itong malawak na dagat. Nakatira dito dati ang mga magagandang sirena. Tayong apat, tayo ang mga prinsesa ng mga sirena."

"Talaga?" manghang tanong ni Betchay sa kaibigan.

"Oo. Magkakapatid tayo dati. Tapos meron tayong Inang Reyna sa dagat na ito."

"Pero iba-iba naman tayo ng mommy di ba?" tanong ni Maricris.

"Sira! Syempre, para mabuhay tayo sa lupa, kailangan nating maging tao. Tama, Liway?" sagot naman ni Dian.

"Oo. Tama, tama. Hinigop kasi ng isang higanteng octopus yung tubig sa dagat. Tapos, para mailigtas tayo ni Inang Reyna, ipinasok niya tayo sa tiyan ng mga mommy natin. Tapos, naging tao tayo."

"E bakit wala akong maalalang ganun?" tanong muli ni Betchay.

"Kasi hinigop din nung higanteng octopus yung ala-ala niyo. Ako, hindi nahigop yung ala-ala ko kasi naipasok ako agad ni Inang Reyna sa tiyan ng mommy ko," sagot ni Liway.

"E nasaan na si Inang Reyna?" tanong muli ni Betchay.

"Nakikita mo yung moon kapag gabi? Di ba parang may taong nakahiga? Doon dinala ng higanteng octopus si Inang Reyna, pati yung iba pang mga sirena. Nakakulong sila dun!"

"E di kailangan pala natin silang iligtas," sabi naman ni Dian.

"Oo. Pero bago yun, dapat muna maibalik yuing dagat dito para hindi mamatay yung mga shells."

"Paano natin ibabalik yung dagat?" tanong ni Dian.

"Diligan natin yung lupa!" suhestyon ni Maricris.

"Oo, tama! Diligan natin yung lupa!" pagsang-ayon ni Liway.

"Pero yung tubig natin, nasa gym," nag-aalalang sagot ni Dian.

"Babalik tayo sa gym. Kunin natin yung tubig natin tapos idilig nating dito."


***


"Kuu! Mga bata kayo, oo! Saan ba kayo nagsususuot? Aba'y kanina pa namin kayo hinahanap!" salubong ni Tita Amy sa apat na bata.

"Kasi po, Tita Amy, nakakita po kami ngmmmm..." mabilis na tinakpan ni Liway ang bibig ni Maricris.

"Shh... Secret lang natin yun," bulong ni Liway.

"Anong nakita niyo?" tanong ni Tita Amy.

"Wala po. Nag-around the world lang po kami, di ba, Liway?" sagot naman ni Dian.

"Opo."

"O siya, sige. Pumasok na kayo sa service at nang makauwi na kayo."

"Paano natin didiligan yung natuyong dagat?" pabulong na tanong ni Betchay nang makasakay na sila sa service.

"Babalikan natin bukas," pabulong din na sagot ni Liway.

3 komento: