Foundation Day. Nagsasaya ang lahat ng mga estudyante sa paaralan. Maliban kay Gayle.
Hindi na natutuwa si Gayle1 sa tagasanay nila sa Rondalla. Imbes kasi na day-off sana nila sa pagsasanay ngayon, ipinatawag pa sila para day sanayin ang piyesang ilalahok nila sa isang patimpalak sa labas ng eskwelahan. Pag minalas ka nga naman ng nasalihang Club, bulong ni Gayle sa sarili. Hindi naman siya makaliban sa pagsasanay nila dahil baka kainin na siya ng buhay ni Ginoong Roces1. Para kasi kay Gayle, isang nakakatakot na halimaw si Ginoong Roces kung magalit sa mga lumiliban sa pagsasanay.
Inihahanda na ni Gayle ang kanyang bandurya nang bigla siyang tawagin ng kaibigan niyang si Irish1.
“Gayle! ‘Lika dito!”
“Bakit ba? Magsisimula na kami sa practice e. Bilisan mo lang yang sasabihin mo a...”
“Ay may praktis kayo ngayon? Ano sana kasi e...”
“Ano yun?”
Nagulat si Gayle nang biglang may sumulpot na dalawang lalaki sa gilid niya. Hinawakan siya ng mga ito sa magkabilang balikat at hinatak palabas ng silid. Pagkatapos ay piniringan siya ni Irish.
“Hoy Irish!!! Anong kalokohan ito?!”
“Basta... sumama ka na lang...”
Naramdaman niyang naglalakad na sila patungo sa ibang gusali.
“Irish! Hoy! Bitiwan niyo nga ako! Ano ba?!”
Maya-maya pa’y naramdaman naman ni Irish na nasa loob na sila ng isa pang silid. Iniupo siya sa isang silya, pero hindi pa rin siya binitiwan ng dalawang lalaki.
“Hoy! Ano ba? Pakawalan niyo nga ako dito! May praktis pa kami ng Rondalla! Irish! Loka-loka ka talaga! Hoy!”
“’Wag ka ngang maingay, Gayle! Nakakasira ka ng ambience e...”
Natahimik si Gayle. Pinakiramdaman niya ang paligid. May nagpapatugtog ng love song, yung pang-JS Prom na kanta. May silya din sa harap niya. Ilang saglit pa’y naramdaman niyang may umupo sa silya sa harap niya.
May isang tao siyang naramdaman na pilit inilalagay ang kamay niya sa ibabaw ng kamay ng taong nasa harap niya. At nang binitiwan ng taong iyon ang kanyang kamay, mabilis niyang tinanggal ang piring sa kanyang mata.
At nakita niya kung sino ang nasa harap niya.
Si Jet1.
Ang lalaking matagal nang nagpapabilis ng tibok ng kanyang puso.
Napaluha si Gayle. “Jet, sorry... sorry... Pero kasi... kailangan ko na kasing umalis... sorry talaga...”
Tinanggal na din ni Gayle ang piring sa mata ni Jet, at sabay tumakbo siyang palabas ng silid na iyon, pabalik sa pagsasanay nila ng Rondalla.
“Nakakainis ka Roces!!! Sinayang mo ang araw ko!!!” Naiiyak at naiinis na bulong ni Gayle sa hangin.
Hanggang sa kanilang pagsasanay, ramdam pa rin ni Gayle ang nanghihinayang na titig ni Irish at ang nagtatakang tingin ni Jet sa kanya.
1iniba ang pangalan
sarap siguro ng blind date? hehehe.. interesting topic sa isang interesting na likha..
TumugonBurahinWow. Salamat po ser. Hehe.
TumugonBurahinPero hindi po ako yan. Hehe. Di ko po na-experience ang blind date e. Manghuli lang ng iba-blind date. Hehehe.