Mga Pahina

Sabado, Agosto 27, 2011

Sangla


"Ma... hindi ko naman talaga kinuha yun e..."

"ANONG HINDI? SA LOOB NG BAHAY NA ITO, IKAW LANG NAMAN ANG MAGNANAKAW!!!"

"Hini ko po talaga kinuha yun... Ma..."

"UMAMIN KA NA!!! SAAN MO DINALA ANG KWINTAS KO? HA? SAGOT!!!"

Palo. "SAAN?"
Palo. "AYAW MONG SABIHIN?"
Palo. "SAAN?"

Nanggagalaiti na sa galit si Ynah* sa kanyang panganay na anak. Labing-anim na taon niyang pinakain, binihisan, inaruga, minahal... ngunit ito ang iginanti ng kanyang anak.

"B-binenta ko po..."

"SAAN MO BINENTA?"

"S-sa n-naglilibot dito na b-bumibili ng alahas..." sagot ng binata na pinlit niyang isinuksok sa pagitan ng mga hikbi.

Sabay hagupit ni Ynag ng sinturon sa kaniyang anak. Di na niya alintana kung saan man ito tatama.

"HAYOP KA!!! WALA AKONG ANAK NA MAGNANAKAW!!! GAGO!!!"

Patuloy pa rin ang pag-iyak ng binata.

"HAYOP KA!!! WALA KANG UTANG NA LOOB SA INA MO!! PATI SARILI MONG INA, NANAKAWAN MO!!!"



***

"Mang, may pasalubong ako sa iyo," malambing ang tinig ng asawa ni Ynah. Kauuwi pa lamang nito galing ng Saudi.

"Ano iyon?"

"Pumikit ka muna."

Dali-daling sinunod ni Ynah ang sinabi ng asawa. Ilang saglit lang, naramdaman na niya ang tila malamig na piraso ng metal na marahang bumagsak sa pagitan ng kanyang dibdib. Pagdilat niya'y agad niyang tiningnan kung ano ang bagay na iyon.

"Bagay na bagay sa asawa ko," marahang sambit ni Berto* sa tainga ng kanyang misis.

"Salamat, Pang! Napakaganda nito! Salamat." Maluha-luhang sabi ni Ynah sa nakayakap niyang asawa. Hindi niya akalaing bibilhan siya nito ng mamahaling kwintas, lalo pa't hindi rin naman kalakihan ang kinita nito sa Saudi.

"Siyempre maganda talaga yan. White gold kaya yan.18 karats pa. Saka, tingnan mo ang pendant. May maliliit pang dyamante. Para lamang sa mahal ko."

"Asus... anong gusto mong kapalit? Ha?"

"Alam mo na---"

Mabilis na hinalikan ni Ynah ang labi ng kanyang asawa.

"Higit pa riyan... Alam mo namang na-miss kita e..."



***

"MAGKANO MO BINENTA?"

"I-isang libo po..."

"ISANG LIBO??? HINDI MO BA ALAM NA ANG MAHAL-MAHAL NUN? SAAN MO DINALA ANG ISANG LIBONG IYON HA?"

"P-pinangkain ko po..."

Nandidilim na ang paningin ni Ynah. Nagkusa na ang kanyang paa na lumakad papunta sa kusina. Nagkusa na rin ang kanyang kamay na bitbitin ang unang kutsilyong nahawakan nito.

"HAYOP KA!!! WALANG UTANG NA LOOB!!!"

"Wag po!!!"

"MANG!!"

Tamang-tama lang ang pagpasok ni Berto sa bahay galing sa kanyang pasada para pigilan ang asawa. "Anak pa rin natin yan, Mang..." nakikiusap na tono ni Berto.

Nanlulumong pumasok na lang si Ynah sa kanyang kwarto nang magbalik ang ulirat niya... habang patuloy ang hagulgol ng panganay niyang binata.

Samantala, sa isang sulok ng tahanan nila'y kanina pa tahimik na nanonood ang kanilang kasambahay**.



***

"Sulat para kay Cresencia Campupot*!" Pagtawag ng pansin ng kartero.

Tinanggap naman ni Berto ang sulat para sa kasambahay**.

"Kanino daw?" Tanong ng asawa niyang naghahandang pumasok sa pinagtuturuang eskwelahan.

"Kay Sencia. E nasa palengke naman siya ngayon."

"Saan galing yung sulat?"

"Teka... P-Pawnshop..."

"Pawnshop???" Agad na inagaw ni Ynah ang sulat at binuksan.


Ms. Cresencia Campupot,
We would like to remind you that... White Gold pendant... is about to be repossessed in a week. You may have overlooked...

Nanghina si Ynah nang mabasa ang sulat.

"Ha-hayop ka Sencia... M-Muntik ko nang mapatay ang anak ko sa harap mo... i-ikaw pala... ikaw pala ang magnanakaw... hayup ka! Hayup ka..."

Hindi na nagbalik ang kasambahay nang araw na iyon.



*pinalitan ang pangalan    **pinalitan ang katayuan sa buhay


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento