Katorse anyos siya nang dinala siya ng kanyang tiyahin sa Maynila. Pag-aaralin daw siya nito kapalit ang pag-aalaga niya sa kanyang mga pinsan.
Bente-uno siya nang nagloko. Papatapos na dapat siya noon sa kolehiyo sa isa sa mga sikat na pribadong eskwelahan sa lugar nila. Nung panahong iyon, hindi niya akalaing makakayanan ng tiyahin niyang maglabas ng maraming pera at ipagkatiwala sa kanya. Pero imbes na ipambayad niya ng
matrikula para sa huling taon niya sa kolehiyo, sinarili niya ang pera. Gumawa na lang siya ng pekeng promisory note para papasukin siya sa eskwelahan.
Masaya ang naging huling taon niya sa kolehiyo. Lalo pa't nakapagpapasikat siya noon sa kanyang mga kaklase. Gimik dito, gimik doon. Gamit ang perang dapat sana'y pangmatrikula niya.
HIndi siya nakapagtapos nang taong iyon. Hindi kasi pumayag ang kanilang departamento na magtapos siya nang hindi bayad. Gayon pa man, hindi niya ipinaalam sa kanyang tiyahin, o maski sa kahit sino, ang kalagayan niya sa eskwelahan sa takot na maparusahan sa kanyang kasalanan.
"Hindi naman po kami sapilitang pinagma-martsa."
"Pero sayang naman ang ipinunta ng iyong ina dito. Gusto sana niyang makita kang tanggapin ang diploma mo sa entablado."
"Hindi na po tiya, dagdag gastos lamang po kung ako'y magmamartsa pa."
"Ikaw ang bahala."
Nakahinga siya nang maluwag nang hindi na siya kinulit pa ng kanyang tiyahing magmartsa. Mabuti't hindi nabisto.
Dalawang taon ang nakalipas nang hikayatin naman siya ng kanyang tiyahin na mangibang-bansa.
"Maganda sa Taiwan, hija. Pang-experience mo ba. Pagkatapos mo doon ay maaari ka nang mag-Canada."
Pumayag siya. Lalo't sagot na daw ng kanyang tiyahin ang lahat ng kanyang gastos papuntang Taiwan. Naisip niyang kapag nandoon na siya, magkakaroon na siya ng sariling pera. Mapapag-aral na niya ang bunsong kapatid niya't mapapalitan na rin niya ng bahay na bato ang kubo nilang tahanan sa probinsya. Mabuti't hindi kailangang tapos sa kolehiyo.
Tatlong taon ang naging kontrata niya bilang kasambahay sa Taiwan. Sa unang dalawang taon niya doon, napag-aral niya ang bunsong kapatid (pero hindi natapos dahil itinanan ng nobyo), naipagawa niya ang kanilang bahay sa probinsya (pero hindi niya napapinturahan at napalagyan ng maayos na sahig), nakapag-ipon siya (pero mabilis ding naubos dahil sa dami ng di niya mapigilang mga luho), at nahanap niya ang kanyang magiging asawa.
Ang pagtuntong ng ikatlong taon niya sa Taiwan ay hindi na naging pabor sa kanya. Hindi na sumasapat ang kaniyang kinikita para sa di-mabitiwang luho niya, kasabay pa ng mga kamag-anak niya sa probinsya na tanging sa kanya lamang umaasa ng tulong pinansiyal. Para makaraos, nangutang siya sa mga kakilala niyang kapwa Pilipino sa Taiwan. Ang masaklap, daig pa ang bangko sa taas ng interes. Pero ayos lang ito sa kanya, ang mahalaga'y may magagasta siya.
Makalipas pa ang tatlong buwan, baon na baon na siya sa utang. Umabot pa noon sa puntong wala nang Pilipino pa sa Taiwan ang handang magpautang sa kanya. Naliliitan na rin siya sa kanyang sweldo. Gusto pa niya ng mas marami pang pera. Isang paraan lang ang naisip niya: ang magnakaw.
Inisa-isa niya ang mga alahas ng kanyang amo. Tsamba't puro mamahalin. Paunti-unti ang kanyang kupit para hindi siya mapansin nito. Pero matalas ang pandama ng anak ng kanyang amo.
Nakuha sa kanyang bag ang gintong bracelet ng kanyang amo, ang pinakabagong nawala sa koleksiyon nito ng alahas. Iisang pirasong alahas lamang, pero naging sapat na itong patunay na siya ang magnanakaw sa tahanang iyon. Minura siya't binugbog ng anak ng amo niya bilang parusa sa kanyang kasalanan. Sa pagmamakaawa niya'y hindi na siya ipinakulong nito. Pinalayas siya nang hindi pa tapos ang kontrata, at hindi na ibinigay pa ang huli niyang sweldo.
Inaasahan niyang magugulat ang kanyang tiyahin sa biglaan niyang pag-uwi. Lingid sa kaalaman niya'y siya ang mas magugulat.
Natunton ng pinagkakautangan niya sa Taiwan ang bahay ng kanyang tiyahin (na siyang tutuluyan niya sana habang wala pa siyang pera). Nalaman niyang alam na din ng tiyahin niya ang ginawa niya noong huling taon niya sa kolehiyo.
Wala na siyang mukha pang maiharap sa kanyang tiyahin, o sa kahit sino sa kanyang mga kamag-anak. Dali-dali niyang tinawagan ang kanyang nobyo.
"Iuwi mo na ako sa inyo sa Pangasinan."
"Bakit?"
"Magpakasal na tayo..."
***
Pinagmuni-munihan niya ang nakalipas. Ang mga nasayang na pagkakataon. Ang mga tiwalang nasira. Ang mga taong tinataguan. Ang mga pinagkakautangan.
Sa ngayon ay wala siyang trabahong matino. Lasenggero ang kanyang asawa. Tatlo na ang kanyang anak, bukod pa sa ipinagbubuntis niya ngayon. Masungit pa ang kanyang biyenan.
"Kung sana..."
doggone.. buhay nga naman..
TumugonBurahinAw. Salamat po sa pagbasa ser.
TumugonBurahin